Obrero niratrat, patay

Agad na nasawi ang 34-anyos na construction operator makaraang pagbabarilin ang una ng hindi kilalang suspect habang nagpapahangin sa harap ng kanyang bahay, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente sanhi ng maraming tama ng bala ng baril ang biktima na si Victor Mendoza, ng #74 Lilac St., North Fairview, nabanggit na lungsod.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Joseph Dino ng Quezon City Police District-Criminal Investigation Division (QCPD-CID), naganap ang insidente dakong alas-9 ng gabi sa harap mismo ng bahay ng biktima.

Nakatayo umano ang biktima na nagpapahangin nang biglang sumulpot ang hindi pa nakikilalang suspect at pinagbabaril ang una.

Agad namang iniwanan ng suspect ang biktima na duguang humandusay sa harap ng kanyang bahay bago mabilis na tumakas ang una at iniwan sa pinangyarihan ng insidente ang ginamit na 22 caliber na baril, tatlong bala nito at isang icepick.

Isang imbestigasyon naman ang kasalukuyang isinasagawa ng pulisya upang alamin ang motibo sa pamamaslang sa biktima at pagkakakilanlan ng suspect para sa agarang ikadarakip nito. (Doris Franche)

Show comments