Sinabi ni NCRPO Chief Director Vidal Querol na ipakakalat nila ang mga pulis sa mga simbahan na kilalang dinarayo ng mga tao sa tuwing Misa de Gallo.
Partikular na mahigpit na babantayan ang Quiapo Church sa Manila; Baclaran Church sa Parañaque City; Sto. Domingo Church sa Quezon City; Manila Cathedral sa Intramuros, Manila at iba pang malalaking simbahan sa Metro Manila.
Maliban dito ay magpapakalat din sila ng mga pulis sa mga bus terminal, paiigtingin ang police visibility sa mga matataong lugar kabilang na sa mga pangunahing malls sa buong Metro Manila para mapangalagaan ang seguridad ng mamamayan na magtutungo rito.
Nabatid pa sa opisyal na ang mga magpapatrulyang pulis sa mga matataong lugar ay magsusuot ng Santa caps alinsunod sa ipinatutupad na "Oplan Paskuhan 2005".
Samantala, maging ang mga pantalan, paliparan, bus terminal, MRT at LRT station ay mahigpit ding babantayan.
Binigyang-diin naman ni PNP Spokesman Chief Supt. Leopoldo Bataoil na nabawasan ang banta ng terorismo ngayong Pasko matapos masakote si Rajah Solaiman Movement (RSM) terrorist leader Pio de Vera at tauhan nitong si Mohammad Guiman. (Joy Cantos)