Trike bumangga: 3 patay

Tatlo katao ang iniulat na nasawi, habang tatlo pa ang malubhang nasugatan makaraang bumaligtad ang tricycle na sinasakyan ng mga ito at bumangga pa sa kasunod na motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa Old Balara, Quezon City.

Patay na nang idating sa General Malvar Hospital ang mga biktimang sina Rolando Cabigon, 24, driver, ng 934 Heraldo St., Sampaloc, Maynila; Noel Paguipitan, 33 at isang nakilala lamang sa pangalang Donato.

Samantalang nakaratay din sa nasabing pagamutan ang mga sugatang sina Robert Gonzales, 45; Allan Chua, 22 at Imelda Payawal.

Batay sa isinumiteng ulat ni Chief Inspector Antonio Taguilan, hepe ng Quezon City Police District- Traffic Sector 5, dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa tapat ng Old Balara, Brgy. Hall sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Lumilitaw na minamaneho umano ni Cabigon ang tricycle lulan ang dalawa pang nasawi nang bigla na lamang umanong mawalan ng kontrol at bumangga sa bangketa.

Dahil dito, dumausdos ang tricycle na naging dahilan nang pagkarambola nito at bumangga pa sa isang motorsiklo na sinasakyan naman ng mga nasugatan. (Doris Franche)

Show comments