Agad na tinanggal sa puwesto ni ISAFP chief Brig. Gen. Marlu Quevedo si Navy Commander Leo Batan, Group Commander ng Military Intelligence Group (MIG) 23.
Ayon kay Quevedo, kailangan na sumailalim sa imbestigasyon si Batan dahil siya ang inatasang magbantay kay Faeldon subalit wala ito sa kanyang puwesto.
Kasabay nito, pansamantala namang itinalaga si Major Francisco Dalawampu bilang acting sa nasabing posisyon.
Samantala, sinabi naman ni Basilan Rep. Gerry Salappudin na hindi dapat na ipagwalang bahala ng liderato ng AFP ang pagtakas ni Faeldon dahil posibleng may kasabwat ito sa kanyang pagpuga.
Hindi rin iniaalis ng solon na posibleng ang pagtakas ni Faeldon ay makahikayat sa mga rebeldeng sundalo na muling magsagawa ng rebelyon.
Iginiit naman ni Justice Secretary Raul Gonzales na isasailalim sa hold departure order si Faeldon upang hindi makalabas ng bansa. (Joy Cantos, Malou Rongalerios at Grace dela Cruz)