Binata isinuplong ng ina sa kasong pagpaslang

Matapos ang mahigit isang buwang pagtatago, kulungan ang binagsakan ng isang talamak na drug addict matapos na isuplong ng kanyang sariling ina sa ginawang pagpatay sa kanilang kapitbahay, kamakalawa ng gabi sa Binondo, Maynila.

Nakadetine ngayon sa Marikina Police District integrated jail ang suspect na si Eduardo Sta. Maria, 25, binata, miyembro ng Bahala Na Gang (BNG) at residente ng Parola Compound, Binondo.

Itinuro ito ng sariling ina na siyang sumaksak at nakapatay sa kanyang kapitbahay na si Ernesto Beltran, 37, nitong nakaraang Nobyembre 5.

Sinabi ng ina ni Eduardo na pinagbintangan ng suspect na asset ng pulisya si Beltran na siyang nagtuturo sa mga drug pusher at adik sa kanilang lugar. Tatlong saksak sa katawan ang ikinamatay ng biktima kung saan tanging ang ina ni Sta. Maria ang nakasaksi.

Muling nagbalik naman kamakalawa ng gabi si Sta. Maria sa kanilang bahay na halatang sabog sa ipinagbabawal na gamot. Nagkaroon umano ng matinding nerbiyos ang ina ng suspect dahil nanlilisik pa ang mga mata nito habang titig na titig sa mga natutulog na kasambahay.

Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang ginang, dali-dali siyang humingi ng tulong sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya at isinuplong ito bago makagawa muli ng krimen ang suspect. (Danilo Garcia)

Show comments