Kinilala ang nasawi na si Rey Valencia, 22, ng 141 Bulaon, San Fernando, Pampanga, driver ng Isuzu dump truck na may plakang XAT -789.
Isinugod naman at ginagamot sa Ospital ng Makati ang mga sugatan na sina Efren Esguerra, 45, driver din ng isang truck; Roy Versosa, 25, at Reynante Gumapon, kapwa pahinante.
Lumalabas sa imbestigasyon ni SPO2 Orlando de Leon ng Makati City Traffic Enforcement Unit, naganap ang insidente dakong ala-1:15 ng madaling-araw sa kahabaan ng C5 Road, malapit sa Kalayaan Avenue, Makati City.
Pawang binabagtas ng tatlong dump truck ang naturang lugar na pawang humaharurot, huli na bago nakontrol ng mga driver ang manibela ng kanilang sasakyan kung kaya sila nagkasalpukan.
Sa lakas ng impact nagresulta ito sa agarang kamatayan ni Valencia.
Malaki naman ang hinala ng pulisya na posibleng nagkakarera ang tatlong truck ng maganap ang insidente. (Lordeth Bonilla)