Building ni Mike Arroyo niratrat

Pinaulanan ng bala ng baril ng isang grupo ng mga kalalakihan na nagpakilalang mga dismayadong sundalo ng AFP ang Lourdes Tuason-Arroyo (LTA) building na pag-aari ng pamilya ni First Gentleman Jose Miguel Arroyo sa pinansiyal na distrito ng Makati City. kahapon ng madaling-araw.

Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Leopoldo Bataoil, dakong alas-4:40 ng madaling-araw ng paulanan ng bala ng mga armadong kalalakihan ang gusali ng LTA na matatagpuan sa 118 Perea St. Legazpi Village sa nabanggit na lungsod.

Binubusisi ng mga imbestigador ang lahat ng anggulo at motibo sa isinagawang pamamaril at ang koneksyon nito sa matagumpay na SEA Games kung saan nagkaroon umano ng aktibong papel ang Unang Ginoo.

Gayunman sa isang fax statement na ipinadala sa Defense Press Corps sinabi ng grupong nagpakilalang "Enlightened Warriors" na ang kanilang pag-atake sa LTA building .

Sa isinagawa namang beripikasyon sa ISAFP na walang ganitong grupo sa AFP.

Nabatid na ang mga suspect ay lulan ng kulay berdeng Sedan na huminto sa tapat ng LTA building at kasunod nito ay nagpaulan ng bala ang mga ito.

Sinabi pa ni Bataoil na bagaman walang nasawi at nasugatan sa insidente ay nakarekober ang mga tauhan ng pulisya ng 16 parkmark ng bala sa lugar na ngayon ay masusing isinasailalim sa pagsusuri ng PNP Crime Laboratory sa Camp Crame.

Nabatid naman kay NCRPO chief Director Vidal Querol na base sa narekober na mga basyo ng bala ay M14 rifle, 7.62 MM at 40 MM grenade launcher na ginamit sa pamamaril sa nasabing gusali.

Nagpapatuloy naman ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa naganap na pamamaril.

Show comments