Ipinaliwanag pa ni Justice Secretary Raul Gonzalez na maaaring maghain pa ng Motion for Reconsideration ang abogado ni Kaye Torres na si Harriet Demetriou hinggil sa naging resolusyon ng DOJ panel of prosecutors.
Matatandaan na ikinadismaya nina Torres ang resolusyon ng Nida Blanca panel kung saan ginawa lamang na accessory sa krimen si retired Gen. Galileo Kintanar.
Tiniyak naman ni Gonzalez na agad niyang pag-aaralan ang ihahaing petisyon o mosyon ng kampo ni Torres.
Nabatid na mahigit sa isang taon nang hindi maihain ang 2nd extradition request ang DOJ sa US Court dahil kinakailangan pang resolbahin ang pagkakasangkot sa kaso ng tatlong panibagong suspect na sina Mike Martinez, Elena dela Paz at Kintanar.
Gayunman, matapos maresolba at matukoy ang partisipasyon ng 3 nabanggit sa kaso ng pagpatay sa aktres ay umalma naman si Demetriou at Torres sa naging hatol ng panel of prosecution.
Malaki ang paniniwala ni Demetriou na dapat ituring na principal suspect sa kaso si Kintanar dahil kabilang aniya ito sa nagplano ng pagpatay kay Blanca. (Grace Amargo dela Cruz)