Sinabi ni Albert Pagdanganan sa witness stand sa sala ni Judge Agnes Carpio ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 261 ang buong detalye na pinag-usapan nila ni Roldan, Mitchell Gumabao sa tunay na buhay mula pagpaplano, pagdukot nila sa 3-anyos na batang Tsinoy na si Kenshi Yu noong Pebrero 9 ng taong ito.
Dahil sa mga testimonya ni Pagdanganan sa korte, sinabi ng prosekusyon na mas lalong tumibay ang pruweba na si Roldan nga ang mastermind ng pangingidnap sa batang Tsinoy at naniniwala sila na nakapuntos sila ng malaki sa nasabing kaso.
"Yes (we scored big today), kita nyo naman idinetalye niya nang walang kakurap-kurap ang lahat nang naganap dun sa kidnapping, pati yung mga eksaktong date at oras, lahat detalyado," saad ni State Prosecutor Philip dela Cruz sa isang pahayag.
Kinukonsidera rin nila na si Pagdanganan ang pinakamalakas at pinaka-credible na testigo sa nasabing kaso.
Kabilang sa mga testimonya ni Pagdanganan na noong Enero 9, 2005 ay tinawagan siya ni Roldan upang pagplanuhan nila ang pangingidnap sa biktima.
Napag-alaman din na ilang beses silang nagsagawa ng surveillance sa biktima kasama ang girlfriend ni Roldan na si Suzette Wang at iba pang akusado sa pinapasukang eskuwelahan ng bata. (Edwin Balasa)