Nakilala ang mga suspect na sina Atty. Faizal Hussin, hepe ng Intelligence Division ng BI ng Rogan St., Maharlika Village, Taguig; P/Supt. Wendy Garcia Rosario, dating acting chief ng BID Civil Security Unit ng San Miguel, Calasiao, Pangasinan at Sr. Insp. Noel Espinosa, dating nakatalaga sa BI Bicutan detention center at residente ng Malasiqui, Pangasinan.
Kasama rin dito sina Alex Bolado, confidential agent; Joselito Pagaduan, confidential agent; Allan Reyes, immigration officer, nakatalaga sa BI-Ninoy Aquino International Airport; Jayamaha Mudalege Don Keerthi Jamayaha, Sri Lankan national, nakakulong sa BI detention center; Engelbert Sy, Chinese national at Wen Yueniong, Chinese national ng Bacoor, Cavite.
Sa ulat ni Atty. Reynaldo Esmeralda, hepe ng NBI-Special Task Force na nakatanggap ng sulat si National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) chief, Angelo Reyes buhat sa isang Rowena Tiu na humihiling na mag-imbestiga sa maanomalyang deportasyon sa kidnapping suspect na si Zhang Du, alyas Wilson Zhang sa Tsina.
Sa imbestigasyon, nabatid na naaresto ng NAKTAF si Zhang Du, Chinese national noong Setyembre 2001 sa San Fernando City, La Union ukol sa kasong kidnapping with ransom sa isang Jacky Tiu. Nagawa naman nitong makapagpiyansa dahil sa pagiging "accessory" lamang sa krimen.
Nabatid na nagsagawa ng record check sa NBI si Hussin nitong Abril 8 sa isang Zhang Du para sa deportasyon nito. Sa affidavit naman ni Keerthi na nakakulong sa Bicutan detention center, binigyan umano siya ng dalawang araw na gate pass ni Rosario na pirmado ng suspect na si Espinosa. Kasama sina Bolado at Librojo, nagtungo sila sa Binondo at binigyan ni Ng Sy ng P50,000 para sa paglalakad ng plane ticket ni Zhang Du.
Malaya rin umanong nakalabas ng bansa sa NAIA si Zhang Du nitong Mayo 5 na pinayagan ni Reyes sa kabila ng hold departure order laban dito.
Inirekomenda ng NBI sa Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng mga kasong falsification of public documents, conniving or consenting to evasion, Decree Penalizing Obstruction and Apprehension Prosecution of Criminal Offenders at Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa mga suspect. (Danilo Garcia)