Pulis niratrat sa harap ng anak

Hindi na umabot pa ng Pasko ang isang 36-anyos na pulis nang barilin ng malapitan sa ulo ng hindi pa nakikilalang mga suspect, kahapon ng umaga sa Quezon City.

Nakilala ang nasawing biktima na si SPO2 Randulf Gulferic ng Lilac St., Brgy. West Fairview, Quezon City at nakadestino sa follow-up section ng Theft and Robbery Division ng Quezon City Police Office.

Napag-alaman kay SPO2 Felipe Tumibay na naganap ang insidente dakong alas-6:45 ng umaga sa loob ng bilyaran na pagmamay-ari ng napaslang na pulis.

Ayon sa mga nakasaksing kaanak at kapitbahay ng biktima, halos kagigising pa lamang ng biktima at habang nanonood ng TV kasama ang 8-anyos na anak ay biglang dumating ang limang armadong kalalakihan.

Dalawa sa mga suspect ang pumasok sa loob ng bilyaran at nilapitan ang biktima at walang sabi-sabing pinagbabaril ito sa ulo at sa katawan, habang nagsilbing look-out naman sa labas ang tatlo pa sa mga suspect.

Masuwerte namang hindi tinamaan ang anak ng biktima.

Matapos ang insidente mabilis na tumakas ang mga suspect sakay ng isang tricycle.

Inaalam pa ng pulisya kung ano ang posibleng motibo sa isinagawang pagpaslang sa pulis, habang isang masusing imbestigasyon pa rin ang isinasagawa ukol dito. (Angie Dela Cruz)

Show comments