Sa salaysay ni Hendrick Castillo sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD) Annex, sinabi nito na hindi na nakauwi ng kanilang bahay ang kanyang asawang si Ma. Lourdes Castillo, 35, assistant vice president ng Panamed Philippines, supplier ng mga medical equipment matapos itong umalis dakong alas-9 ng umaga sa kanilang opisina na matatagpuan sa Tektite Tower, Ortigas ng lungsod na ito.
Sinabi ni Hendrick na dakong alas-5 na ng hapon noong Huwebes nang ipinaalam sa kanya ng mga ka-opisina ng kanyang asawa ang hindi pagbalik nito sa trabaho.
"Nagtataka yung mga katrabaho niya kasi hindi na siya bumalik (Ma. Lourdes), tinatawagan yung cellphone niya pero nakapatay na, hindi niya ginagawa iyon lalo na ang umaalis nang matagal nang walang paalam," saad ni Hendrick.
Napag-alaman na nagdesisyon na ang lalaki na iulat sa pulisya ang insidente kahapon ng hapon nang hindi pa rin nakabalik ang kanyang misis sa kanilang bahay sa 5936 Gloria St., Brgy. Poblacion, Makati City.
Nalaman pa ni Hendrick sa mga ka-opisina ng kanyang asawa na may tumatawag at nanggugulo rito subalit ang bagay na iyon ay inilihim sa kanya.
Ayon naman kay PO3 Bobby Lumiwan na sa kasalukuyan ay hindi pa puwedeng ikonsiderang kidnapping ang nasabing kaso dahil wala pang demand ang kung sinuman na may kagagawan nito. (Edwin Balasa)