Hindi na nagawang maisalba pa ang buhay ng biktimang si Clemente Ablaza, 48, ng No. 3 Kalayaan St., Brgy. Batasan Hills, ng nabanggit na lungsod nang isugod sa FEU Hospital sanhi ng tinamong limang saksak ng gunting sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Hindi naman kinakitaan ng anumang pagsisisi sa kanyang nagawa ang suspect na si Hilda Ablaza, 51, nang dakpin ng mga awtoridad.
Napag-alaman kay PO3 Joseph Diño, dakong alas-10 ng gabi ng maganap ang krimen matapos na magkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa sa pinapasukang patahian ng babae sa Litex Road, Commonwealth, ng nabanggit na siyudad.
Dala ang dos por dos na kahoy, walang patumanggang pinagmumura ni mister si misis sa harap ng maraming tao. Nang akmang hahatawin ng kahoy at sasaktan ni mister si misis agad na kinuha ng huli ang gamit niyang gunting at inunahang saksakin ang asawa.
Sa pulisya, sinabi ng misis na punung-puno na siya sa kanyang asawa dahil sa lagi siyang sinasaktan at ipinahihiya nito kaya nagdilim na ang kanyang paningin at nasaksak niya ang asawa.
Patuloy pa rin ang isinasagawang pagsisiyasat sa kaso. (Angie Dela Cruz)