Hindi na umabot ng buhay sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Eduardo Umlas, 59, negosyante at dating ahente ng Economic Intelligence and Investigation Bureau ng BOC, at residente ng 604 Nicomedes St., Tondo, sanhi ng tama ng bala sa sentido habang ginagamot din sa nasabing ospital ang anak nitong si Russel, 29, may asawa, negosyante, sanhi ng tama ng bala sa ulo at leeg.
Pinaghahanap naman ngayon ng mga tauhan ng Manila Police District ang kanilang kabaro na si PO2 Jeffrey Santos, 27, may asawa, nakatalaga sa Detective Bureau Police Unit (DBPU) ng MPD.
Sa ulat ng MPD-Homicide Division, dakong alas-6:15 ng hapon nang maganap ang pamamaril sa panulukan ng Franco at Nicomedes Sts., Tondo, kung saan posibleng sinadyang abangan umano ni Santos ang matandang Umlas at saka binaril sa ulo.
Nakita naman ni Russel ang pagbaril ng suspect sa kanyang ama kaya tinangka nitong tulungan sa pamamagitan ng pagdamba kay Santos. Nagpambuno naman ang dalawa ngunit nagawang makapiglas ng suspect at dalawang beses na paputukan ang biktima.
Ayon sa pulisya, may malaking galit si Santos sa matandang Umlas matapos na madismis sa serbisyo nitong Hunyo 17, 2005 bilang pulis dahil sa isinampang kasong kriminal at administratibo laban dito. Bukod dito, patung-patong na kaso na rin ang kinakaharap ni Santos sa iba pang mga complainants.
Si Santos ay naunang nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO) bago itinalaga sa Mobile Patrol ng MPD noong Nobyembre 16, 2002. Inilipat din ang suspect sa MPD-Station 5 (Ermita) mula October 2004 hanggang May 2005 at ang pinakahuli nitong assignment ay sa DBPU mula May 2005 hanggang sa ma-dismiss sa serbisyo. (Danilo Garcia)