Ayon kay Querol, nagsagawa na ng mga dry run ang mga police district na kinasasakupan ng mga laro sa nalalapit na SEA Games sa bansa.
Aniya sa Quezon City Police District ipinakita ng mga tauhan ni Chief Supt. Nicasio Radovan ang dapat na gawin sakaling magkaroon ng bomb threat. Umaabot sa 1,900 na pulis ang nakatalaga sa SEA Games.
Sa pangunguna ni QCPD-Baler Police Station chief, Supt. Raul Petrasanta, isinagawa ang dry run sa Great Eastern Hotel mula sa paghahanap ng bomba hanggang sa pagpapalikas sa mga naka-okupa sa hotel na tutuluyan ng mga participants.
Bukod dito handa na rin ang Kamuning Station ni Supt. Mario Soriano sa pagbabantay sa Amoranto Stadium kung isasagawa ang cycling at habang ang La Mesa Dam na pagsasagawaan ng rowing ang imomonitor ng Fairview Police ni Supt. Felicidad Gido.
Samantala, 600 namang pulis mula sa Southern Police District ang nakakalat na kinabibilangan ng Special Weapon and Tactics Team, Civil Disturbance Management Unit, Traffic Management Group, Special Action Force, K9 Units, uniformed at plainclothes police officers.
Sinabi ni SPD director Chief Supt. Wilfredo Garcia na tinatayang daan-daang delegadong atleta ang darating sa bansa.