Sa isang press conference na ginanap kahapon sa Camp Crame, sinabi ni Angcanan na hindi maganda ang ipinakitang ugali ng aktres nang magtungo ito kamakalawa ng hapon sa tanggapan ng TMG upang kilalanin ang kanyang sasakyan na nabawi ng TMG sa kanilang operasyon kamakailan sa Quezon City. "Shes rude and arrogant, parang sinampal niya kaming lahat, di man lang nagpasalamat," pahayag ni Angcanan.
Hindi umano inaasahan ni Angcanan ang naging reaksiyon ng dalaga na sa halip na magpasalamat sa kanila ay tila pinaghinalaan pa ang kanyang mga tauhan na nakikipagsabwatan sa mga carnapper. Sinabi umano ni Iya na, "I am not happy with this personally and I think there is more behind all this things!" bagay na ikinasama ng loob ni Angcanan.
Kasabay nito, hinamon ni Angcanan ang TV personality na humarap sa publiko at patunayan ang kanyang alegasyon.
Isinisi rin ni Angcanan kay Iya ang umanoy nabalewalang pagpupursige ng mga tauhan ng TMG upang mabawi ang sasakyan matapos pawalan ng Quezon City Prosecutors Office (QCPO) ang apat na hinihinalang sangkot sa carjacking activities na nauna nilang inaresto habang ibinebenta ang sasakyan ng artista.
Ayon kay Angcanan, dahil sa kawalan ng formal complaint ni Iya at tila kawalan nito ng interes na magsampa o ipagpatuloy ang kaso ay iniutos ni Fiscal Reymundo Aumentado na palayain ang mga akusado at magsagawa pa ng further investigation. (Angie dela Cruz)