Ito ay nang isa-isang ipinakita ng television networks na Channel 2 at Chananel 7 gayundin ng UNTV 37 ang nakuha nilang footages sa naganap na insidente.
Sinabi ni CHR information Officer Edgardo Diansuy, isa-isang sinasala ng en banc committee ang bawat anggulo ng mga kuha sa insidente ng naturang mga television networks upang matiyak kung may naganap na rub-out o talagang shootout lamang ang nangyari sa naturang insidente.
Patuloy na ire-review ng en banc committee ang mga footages at titiyakin ng komite kung may nangyari nga ritong rub-out o wala. "Ang anumang magiging resulta ng imbestigasyon ng CHR sa kasong ito ay malaking tulong para malinaw ang katotohanan sa tunay na naganap sa nangyaring yan sa Ortigas," pahayag ni Diansuy.
Kaalinsabay nito, nagtungo rin si Interior Secretary Angelo Reyes sa CHR upang iparating ang kanyang kagustuhang makipagtulungan at magbigay ng buong suporta sa ahensiya para sa mabilis na pagbusisi sa kaso.
Hanggang sa sinusulat ang balitang ito, nasa isang executive session naman sa CHR ang mga tauhan ng Traffic Management Group (TMG) sa pangunguna ni Gen. Tito Angcanan upang hingin naman ng Komisyon ang panig ng mga pulis hinggil sa naganap na shootout.
Sinabi ni Diansuy na kung anuman ang maibibigay na pahayag ng TMG ay kanilang titipunin kasama ang mga ebidensiya sa kaso at uupuang mabuti ng CHR para sa kapakanan ng publiko. (Angie dela Cruz)