Manila police kabado sa Sea Games

Inamin kahapon ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) na kabado sila ngayon sa posibleng pag-atake ng mga terorista sa nalalapit na pagdaraos ng Southeast Asian Games na ilulunsad sa Quirino Grandstand sa Ermita, Maynila.

Sinabi ni MPD director Pedro Bulaong na malaking responsibilidad ngayon ang nakaatang sa kanilang balikat upang matiyak na magiging mapayapa ang pagdaraos ng SEA Games.

Bukod sa Quirino Grandstand kung saan idaraos ang opening ceremony sa Nobyembre 27, mahigpit din nilang babantayan ang San Andres Coliseum sa San Andres; Emilio Aguinaldo College Gymnasium na dito idaraos ang wrestling, Roxas Boulevard na pagdarausan naman ng cycling at Rizal Sports Complex.

Kasama rin sa mahigpit na babantayan ang sampung Five Star Hotel sa Maynila na tutuluyan ng mga atleta at delegado bukod pa sa pagbibigay ng personal na security sa mga ito.

Pinakamalaking problema ng pulisya ngayon ay kung mahahaluan ng terorista ang mga ipapadalang atleta ng mga karatig bansa. (Danilo Garcia)

Show comments