3 bagong witness sa Pasig ‘shootout’ lumutang

Naantala kahapon ang pagpapalabas ng resulta ng binuong Special Fact-Finding Team ng PNP-Traffic Management Group sa kaso ng shootout sa pagitan ng kanilang mga operatiba at ng tatlong napatay na hinihinalang carjackers sa Pasig City noong nakaraang linggo sanhi ng paglutang ng tatlong bagong testigo.

Ito ang inihayag kahapon ni PNP-TMG Chief Director Chief Supt. Augusto Angcanan. Tinukoy naman ang dalawa sa mga witness sa mga alyas na Ponce at ang security guard ng AIC Gold Bldg. na si Tatano.

Ipinaliwanag ni Angcanan na humirit pa ng karagdagang araw ang Special Fact-Finding Team para makapagpalabas ng resulta sa imbestigasyon kaugnay ng isinagawang pagsusuri sa testimonya ng panibagong mga testigo at nakalap na panibagong mga ebidensiya laban sa mga suspect.

Kasabay nito, pinabulaanan ng opisyal ang umano’y pinalilitaw sa panibagong video footage ng UNTV na planted ang ebidensiya laban sa mga napatay na carjackers na kinilalang sina Anthony Bryan Dulay, Francis Xavier Manzano at Anton Cu-Unjieng dahil malabo umano ang footage.

Samantala, pinawi naman ng PNP-Crime Laboratory ang anggulo ng rubout matapos na lumitaw sa pagsusuri na positibo sa gun powder burns ang dalawang suspect na sina Dulay at Cu-Unjieng habang nasamsam din ang isang Jericho 9mm pistol at isang assault rifle na nangangahulugan lamang na nagpaputok umano ang mga ito ng baril. (Joy Cantos)

Show comments