Obrero tinanggalan ng laman-loob ng mga addict

Mistulang kinatay ang isang obrero ng mga hinihinalang mga drug addict matapos na karumal-dumal na paslangin ito nang barilin at tanggalan pa ng laman-loob sa Tondo, Maynila.

Nakilala ang biktima na si Michael Lenogon, 25, construction worker at residente ng Happy Land Building, Bgy. 105 Zone 8 Pier 18, North Harbor, Tondo.

Nadakip naman ang isa sa mga suspect sa follow-up operation na nakilalang si Marphy Canlas, 27, residente rin ng naturang lugar habang pinaghahanap naman ang kasamahan nito na si Rico Carino, 35.

Sa ulat ng MPD-Homicide Section, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-4 at alas-5 kamakalawa ng hapon sa likuran ng Helping Hand tenement sa naturang lugar.

Sinabi ng ina ng biktima na sinundo umano ng dalawang suspect si Lenogon sa kanilang bahay at inutusang maghakot ng mga lumang yero. Ayon naman sa mga saksi, nakita nila na dalawang beses na binaril ng mga suspect si Lenogon habang may buhat na mga yero.

Nakita pa umano nito na nilaslas ng mga suspect ang tiyan ng biktima at inilagay ang mga laman-loob nito sa isang palanggana. Nais umanong lutuin ng mga suspect ang laman-loob ng biktima dahil sa nagpapadingas na ang mga ito ng apoy nang maghanap ang mga kaanak ni Lenogon kaya nagsitakas ang mga ito.

Ayon kay Detective Steve Casimiro, imbestigador, malaki ang posibilidad na lulong sa droga ang dalawang suspect kaya nagawa ang karumal-dumal na krimen. Napagtripan umano ng mga ito ang biktima na katayin dahil sa impluwensya ng droga. (Danilo Garcia)

Show comments