Sa ginanap na press briefing kahapon sa Camp Crame, sinabi ni PNP-TMG director Chief Supt. Augusto Angcanan ang hakbang ay kanilang isinagawa para bigyang daan ang isinasagawang imbestigasyon ng binuong Special Fact Finding Team sa mga elemento ng Task Force Limbas.
Ang mga sinibak ay kinilalang sina Sr. Inspector Henry Cerdon, PO2 Jesus Ferlin, PO2 Sonny Robrigado, PO1 Fernando Gatus, PO1 Josel Lucena, Sr. Inspector Hansel Manantan, PO3 Lloyd Soria, PO3 Joselito Ramos, PO2 Dexter Bernadas at maging ang sugatan na si Sr. Inspector Samson Belmonte, na kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Medical City Hospital sa Pasig City.
Sinabi ni Angcanan na ang mga nakita sa video footage na nakunan sa lugar na pinangyarihan ng insidente ay ipinasa na nila sa binuong Special Fact Finding Team na siyang susuri sa anumang paglabag ng nasabing mga pulis sa umiiral na rules of engagement.
Ayon dito, sa loob ng tatlong araw ay inaasahan nilang magkakaroon na ng resulta ang imbestigasyon upang malinawan ang mga kuwestiyonableng aksyon ng Task Force Limbas sa nangyaring operasyon sa umanoy mga carjackers.
Binigyang diin naman ni PNP Spokesman, Chief Supt. Leopoldo Bataoil na lehitimo ang isinagawang operasyon ng mga operatiba ng Limbas.
Nakilala ang mga nasawi na sina Brian Anthony Dulay, 28; Francis Xavier Manzano, na sinasabing pamangkin ng aktor na si Edu Manzano at isang Anton Co Unijeng na umanoy buhat sa mayayamang pamilya.
Nabatid pa sa mga kamag-anak ng biktima na ang nasabing behikulo ay inarkila lamang ng mga nasawi sa Universal Business Limited Corporation, isang rent-a-car company. At ito ay ibabalik na ng mga pinaparatangang carjackers nang paulanan ng bala ng mga peratiba ng Limbas.
Base sa ipinakitang footage sa television, sa kabila ng hindi gumagalaw sa loob ng behikulo ang mga suspect ay binabakbakan pa rin ang mga ito ng mga operatiba ng TMG-TMG Task Force Limbas. (Joy Cantos)