Batay sa dokumentong inihain nito sa Department of Justice (DOJ), pinabulaanan ng sinasabing handler nina Philip Medel at Mike Martinez ang akusasyon na siya ay nakipagsabwatan upang ipapatay si Blanca.
Pawang tsismis lamang aniya ang testimonya ng testigong si Pedro Pates Jr. na nagdadawit sa kanya at kay Rod Lauren Strunk.
Pinabulaanan din ni Kintanar ang inihaing testimonya ng testigong si Nilo Gonzaga na nakipagsabwatan siya kay Medel upang ipapatay ang aktres.
Nabatid na nalalapit na ang pagtatapos sa isinasagawang preliminary investigation laban sa mga bagong akusado sa Nida Blanca murder case na kinabibilangan nina Kintanar, Ditas at Elena dela Paz sa prosecution panel na pinamumunuan nina Assistant Chief State Prosecutor Richard Anthony Fadullon at mga miyembrong sina State Prosecutors Olivia Non at Melvin Abad.
Matatandaang dalawa lamang sa mga akusado ang kinasuhan ng DOJ sa Pasig Regional Trial Court (RTC). Itoy sina Medel at Strunk na nadiin sa pamamaslang kay Blanca noong Nobyembre 2001 sa parking area ng Atlanta Centre sa Annapolis Greenhills sa San Juan, Metro Manila.
Si Medel ay nabasahan na ng sakdal at kasalukuyang nakapiit, habang si Strunk ay nasa Estados Unidos. (Grace Amargo-dela Cruz)