Ayon kay AFP Public Information Office (AFP-PIO) chief Col. Tristan Kison, walang dahilan upang magbigay ang AFP ng public apology sa ABS-CBN o kay Babao na siyang itinuturong nagpiyansa kay Rajah Solaiman Movement (RSM) terror suspect Tyrone "Dawud" Santos.
Sinabi ni Kison na maliwanag aniya sa naging ulat ni AFP Deputy Chief of Staff Rear Admiral Tirso Danga kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na inihanay lamang nito ang mga obserbasyon at insidenteng kinasangkutan ni Babao noong mga panahong bago makapaglagak ng piyansa si Dawud.
Wala anyang anumang "dagdag-bawas" ang isinumiteng ulat ni Danga kay Pangulong Arroyo at itoy pawang katotohanan lamang.
Hindi rin umano maituturing na isang paninira ang ginawang aksyon ni Danga laban kay Babao dahil wala naman silang direktang katibayan na may ugnayan ang broadcaster sa mga terorista, bukod pa sa hindi ilegal ang pagpipiyansa ng isang suspect.
Naghinanakit lamang si Danga dahil sa may nasawing mga tauhan ng ISAFP sa pagtugis sa mga kasapakat ni RSM Chieftain Hilarion del Rosario, alyas Ahmad Santos, kapatid ni Dawud.
Magugunita na si Santos ay nasakote sa raid sa Cubao, Quezon City noong Marso 22 at kasunod nito ay nasilat naman ng mga intelligence operatives ng militar ang planong pambobomba ng naturang terrorist group noong Semana Santa matapos masamsam ang 600 kilo ng pampasabog.
Sa panig naman ni Babao, sinabi nito na nagkokober lamang siya sa proseso ng paglilitis kay Dawud kaya naroroon ang kanyang presensiya ng palayain ito matapos na magpiyansa noong nakalipas na buwan ng Abril. (Joy Cantos)