Pinupuslit na ‘Ukay-ukay’, dumarami

Dahil sa nalalapit na Kapaskuhan kung kaya’t talamak umano ang isinasagawang mga pagpupuslit ng mga imported na ‘Ukay-ukay’ sa Metro Manila.

Ito ang ibinunyag kahapon ng mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC).

Ayon kay Customs Deputy Commissioner for intelligence Gallant Soriano, na inamin ng ilang outlet operators na triple ang itinaas ng mga bumibili ng mga ‘Ukay-ukay’ dahil sa kakapusan ng supply sa lokal na pamilihan.

Mahigpit na ipinagbabawal ang importasyon ng mga damit o ‘Ukay-ukay’ subalit sa kabila nito patuloy pa rin ang pagsusulputan ng mga tindahan nito na isang malinaw na palatandaan na talamak pa rin ang smuggling sa bansa, ayon pa kay Soriano.

Nabatid na kamakalawa ay nakakumpiska ang Customs Intelligence and Investigation Service ng apat na container vans na naglalaman ng mga damit mula sa China at Hong Kong na tinatayang nagkakahalaga ng P5 milyon.

Kasama rin ng naturang mga damit ang mga gamit ng makina ng truck at mga second hand na gulong.

Iginiit naman ng BOC na bunsod ng kahirapan ng buhay kung kaya’t nagiging practical lamang ang mga Pinoy sa paggamit ng mga second-hand dahil sa mas mura pa ito tulad ng mga ‘Ukay-ukay’ na damit. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments