Sa pamamagitan ng isang resolution ni District 2 Councilor Winston Winnie Castelo, tuluyan nang naisulong ni Quezon City Mayor Feliciano "Sonny" Belmonte Jr. ang proyektong "Serbisyong Palibing" matapos makipagkasundo ang alkalde sa Philippine Mortuary Association of the Philippines para sa pagpapatupad ng nasabing programa.
Base sa kasunduan, sasagutin ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang halagang P3,000 hanggang P6,500 na funeral expense ng isang bata o matandang namatay.
Ayon kay Castelo, kabilang na sa nasabing halaga ang gastusin para sa kabaong, paburol, embalsamo, karo at pati na rin ang paghakot ng bangkay mula sa lugar na kinamatayan ng nasawi. Bukod dito, tatanggap din ang benepisaryo ng P500 hanggang P2,000 bilang funeral assistance mula sa local government.
Nauna rito, isinulong ni Castelo ang Resolution No. 2801 S-2005 na naglalayong maiahon ang mga mahihirap na residente ng Quezon City sa mahal na gastusin sa pagpapalibing ng mga nasawi nilang kamag-anak. Pinaliwanag ni Castelo na doble hirap ang sinasapit ng mga pulubing pamilya sa tuwing silay namamatayan dahil bukod sa napahiwalay na mahal sa buhay ay nababaon pa ang mga ito sa utang dahil sa napakataas na gastusin sa pagpapalibing.