Nabatid na dakong alas-10 ng umaga nang magmartsa ang may 50 miyembro ng Partido ng Manggagawa at Sanlakas sa may Recto Avenue patungo ng Mendiola ngunit hinarang agad sila ng mga miyembro ng MPD-Civil Disturbance Management Unit sa may kanto ng Morayta Avenue.
Hindi na nagawa pang makapasok ng Mendiola ang mga militante kaya nagsagawa ang mga ito ng programa sa may Recto. Bitbit ng grupo ang isang kabaong at dalawang malalaking kandila na simbolo umano ng paglibing sa karapatan ng mga Pilipino at dagdag na pasakit dahil sa implementasyon ng EVAT.
Ipinatupad kahapon ng pamahalaan matapos na aprubahan ng Korte Suprema ang dagdag na 2% sa EVAT kung saan ipinataw na rin ito sa mga produktong petrolyo, kuryente at maging mga serbisyong propesyonal ng mga doktor. Tumagal lamang ng 10 minuto ang programa ng grupo na kusang nag-self-disperse matapos na pakiusapan ng pulisya upang hindi na sumiklab ang karahasan. (Danilo Garcia)