Sinabi ni Supt. Pablito Cordeta, hepe ng Manila Fire District, wala nang mapakinabangan sa mga computers at mga dokumento sa loob ng natupok na DBM computer room sa building 3 ng naturang gusali.
Dakong alas-6:20 ng umaga nang bigla na lang sumiklab ang malaking apoy sa unang palapag ng gusali na makikita sa may panulukan ng Ayala Blvd. at Solano St., San Miguel, Maynila.
Umabot sa 45 minuto ang naturang sunog na umabot sa ikalimang alarma kung saan nadamay din ang katabing tanggapan na tinatawag na "server room".
Hindi naman agad nagbigay ng posibleng dahilan ng sunog si Cordeta dahil sa kailangan pa umanong magsagawa ng masusing imbestigasyon.
Ipinapalagay naman na sensitibo ang naturang biglaang sunog sa gusali ng DBM lalo nat sumingaw ang kontrobersiya ukol sa "fertilizer fund anomaly" ng Department of Agriculture na inilabas ng DBM.
Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi dahil sa tiyempong wala pang empleyado ng gobyerno nang mag-umpisa ang naturang sunog. (Danilo Garcia)