Paslit napainom ng panlinis ng alahas ni ate, patay

Napaaga ang kamatayan ng isang 2-anyos na paslit makaraang aksidenteng mapainom ng likidong panlinis ng alahas ng kanyang nakatatandang kapatid na inakala nitong tubig kahapon sa Tondo, Maynila.

Naisugod pa sa Mary Johnston Hospital ngunit hindi na nagawa pang mailigtas ng mga manggagamot ang buhay ng biktimang si Xyrene Kae Visguerre, ng #301 Paraiso Extension, Tondo.

Sa ulat ng MPD-Homicide Section, dakong alas-11 ng tanghali kahapon nang aksidenteng mapainom ng batang si Diane ang nakababatang kapatid ng panlinis pala ng alahas at hindi tubig.

Ayon sa ama ng biktima na si Alfredo, abala umano siya sa pagbabantay sa kanilang tindahan sa harap ng bahay at naiwan ang anak sa sala na naglalaro. Nang tingnan niya kung ano ang nangyayari sa dalawa ay nagulat na lamang siya nang makitang nakahandusay ang bunsong anak.

Sinabi naman ni Diane na naglalaro lamang sila ng kapatid at kunwari ay paiinumin ito ng gamot. Nakita umano niya ang plastic cup sa ibabaw ng estante na may likido at inakalang ordinaryong tubig lamang na kanyang ipinainom sa kapatid.

Wala naman ang ina ng magkapatid nang maganap ang insidente dahil nagtatrabaho at naiiwan lamang sa kanyang mister ang mga bata.

Inaalam pa ng mga manggagamot kung cyanide nga ang likidong napainom sa biktima na siyang pangunahing sangkap na panlinis sa alahas. (Danilo Garcia)

Show comments