MMDA nagpatiwakal

Sabog ang ulo ng isang tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) nang magbaril ito sa sarili kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Eliseo Gonzales, 31, nakatalaga sa Clearing Operation ng MMDA at residente ng #100-L Baetiong Compound, Brgy. Apolonio Samson, ng nabanggit ding lungsod.

Sa report na tinanggap ni QCPD director Chief Supt. Nicasio Radovan Jr., naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa bahay ng biktima.

Umiinom ng alak ang biktima nang tinawag nito ang kanyang katulong na si Aida Bora at sinabihan ng ‘tingnan mo ko’. Kasabay nito ay kinalabit ng biktima ang gatilyo ng baril.

Mabilis namang sumaklolo ang live-in partner ng biktima na si Annaliza Manuel nang makitang naliligo sa sariling dugo si Gonzales.

Lumilitaw na labis na pinoproblema ng biktima ang kasong homicide at frustrated homicide na isinampa ng mga vendors sa lungsod laban sa kanya kung saan nakatakda itong humarap sa korte ngayong araw.

Sa kabila nito, nagsasagawa pa rin ng follow-up investigation ang pulisya upang malaman kung may foul play sa insidente.

Samantala, patay din ang isang binata nang pumutok ang pinaglalaruan nitong baril habang nakikipag-inuman sa Valenzuela City.

Agad na namatay si Jessie Valenzuela, 20, nang pumutok sa sentido nito ang baril na pag-aari ng ina ng kanyang kaibigan na si Mark Balajadia dakong alas-4 ng madaling-araw.

Bago ito, dinalaw ng biktima si Balajadia hanggang sa magkayayaaang mag-inuman at kunin ng huli ang baril ng kanyang ina.

Kinuha naman ng biktima ang baril at aksidenteng pumutok ito. (Doris Franche at Rose Tamayo)

Show comments