Ayon sa MMDA, alas-9 pa lamang ng umaga ay magtitipon na sa Makati ang libu-libong mga driver at operator.
Sinabi naman ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief Director Vidal Querol na may sapat silang tauhan na nakaantabay sa Makati habang nagsasagawa ng rally ang mga transport groups bukod pa sa mga pulis na tutulong din sa magmamantina ng daloy ng trapiko.
Nananawagan lamang si Querol sa mga raliyista na maging disiplinado at kilalanin ang batas upang maiwasan ang anumang karahasan tulad ng nangyari sa mga nagdaang rally sa Maynila.
Umaasa din si Querol na hindi lalahukan ng mga cause-oriented groups o militanteng grupo ang rally dahil ang permit na ibinigay ay para lamang sa mga transport group.
Aniya, isang panloloko ang gagawin ng mga militanteng grupo kung lalahok ang mga ito dahil idinadaing lamang ng mga drivers at operators ang paniniket at pagtaas ng presyo ng krudo.
Kasama sa protesta ang grupo ni Orlando Marquez, presidente ng Makati Jeepney Operators na tinatayang aabot sa 7,000 at kilalang supporter umano ni Makati Mayor Jejomar Binay.