‘Ka Satur’ utak sa Metro bombing

Nasilat ng mga operatiba ng militar ang planong madugong pambobomba na kahalintulad ng naganap noong 1972 Plaza Miranda bombing ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na hahalo umano sa mga demonstrasyon sa mga lansangan sa Metro Manila.

Ito’y matapos na masamsam ng tropa ng militar ang bulto-bulto ng mga pampasabog at mga armas sa encounter sa mga rebeldeng NPA sa lalawigan ng Aurora noong huling bahagi ng nakalipas na buwan.

Lumilitaw naman sa patuloy na imbestigasyon at sa intelligence report ng AFP na ang nasabing mga pampasabog ay planong gamitin sa pananabotahe ng mga rebelde sa mga rally sa kamaynilaan.

Sa ginanap na press briefing kahapon sa Camp Aguinaldo, iniharap ng mga opisyal ng militar sa pangunguna nina AFP Deputy Chief of Staff Lt. Gen. Samuel Bagasin at Army Chief Lt. Gen. Hermogenes Esperon Jr. ang nakumpiskang mga eksplosibo, mga armas at bala na bahagi ng P5 milyong pondo na ipinalabas ng isang alyas Ka Satur.

Tumanggi naman ang mga opisyal na sabihin kung ang tinutukoy na Ka Satur na nadiskubre sa nasamsam na mga dokumento ay si Bayan Muna Rep. Satur Ocampo.

"Sino ba ang may kapabilidad na magpondo at may ugnayan sa mga rebelde", ani Esperon.

Sinabi ni Bagasin na determinado ang mga rebeldeng NPA na pabagsakin ang gobyerno at hindi nawawala ang posibilidad na gamitin ang nasamsam na mga bomba sa pagpapasabog ng mga rebelde na hahalo sa hanay ng mga raliyista.

Nabatid pa na maliban sa opensiba laban sa tropa ng pamahalaan ay balak din ng mga rebelde na gamitin ang nasabing eksplosibo sa pambobomba sa mga rali tulad ng naganap noong 1972 sa Plaza Miranda para higit pang maisulong ang destabilisasyon kontra sa pamahalaan.

Iginiit naman ni AFP-NOLCOM chief Major Gen. Romeo Tolentino na ang sinasabing Ka Satur ay may malapit na koordinasyon sa National Democratic Front (NDF), CPP-NPA at ito lamang may kapabilidad na magbigay ng P5 M para pondohan ang pambobomba bilang bahagi ng destabilisasyon kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Sinabi nito na kabilang sa bulto-bulto ng mga nasamsam na eksplosibo ay ang nitro emulsion explosive na may sangkap ng C4 at magnum powder gel explosive na makakayang paguhuin ang malalaking gusali sa Makati City tulad ng pamosong Oakwood Premiere Hotel.

Base sa sinasaad ng dokumento ay nagpalabas ng pera si Ka Satur para gamitin sa opensibang pakikibaka laban sa gobyerno kung saan ay inatasan nito ang mga rebeldeng NPA, ang armed wing ng CPP-NDF na madaliin ang paggawa ng mga bomba at pagsasanay para maisagawa ang kanilang misyon.

Samantala, nangangamba si Bayan Muna Rep. Satur Ocampo na siya ang gagawing "fall guy" o alibi ng pamahalaan sa pagdedeklara ng Martial Law.

Ayon kay Ocampo, peke ang nasabing sulat ng isang Joseph Vargas, alyas Ka Vlad na sinasabing isang Ka Satur ang magpopondo ng P5 milyon para sa kanilang bibilhing mga eksplosibo.

Ayon kay Ocampo, peke ang nasabing sulat at maliwanag na kagagawan ng intelligence ng militar dahil hindi lenguwahe ng NPA ang ginamit.

Kung totoo aniyang kagagawan ng isang NPA ang nasabing sulat, hindi na kailangan pang isulat ang buong pangalan na Joseph Vargas at ang alyas nito.

Layunin aniya ng nasabing sulat na i-frame up siya at maging ang Bayan Muna para magkaroon ng dahilan ang Malacanang na ideklara ang Batas Militar. (Joy Cantos at Malou Rongalerios)

Show comments