Hiwa-hiwalay na parte ng mga sasakyan ang naabutan ng mga tauhan ni Chief Inspector Rodolfo Jaraza, ng DPIU nang kanilang pasukin ang No. 7 Administration St. sa panulukan ng Accounting St. sa GSIS Village, Brgy., Bahay Toro ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na isang abandonadong lugar ang nasabing bahay dahil wala na umanong power at water supply.
Nakuha rin sa lugar ang limang plaka ng mga sasakyan, kabilang ang plakang WAK-682 ng isang owner-type jeep, WRU-101 na sa Nissan Exalta at isang red plate na SW-357 ng Phil. Army.
Kasabay nito, wala namang naaresto sa lugar sa paniwalang natimbrehan na ang mga taong nagkakalas ng mga piyesa ng mga kinarnap na sasakyan bago pa ang naganap na pagsalakay.
Ayon kay Jaraza, tukoy na nila ang sindikato na nagsasagawa ng carjacking subalit tumanggi ang mga ito na ibunyag ang mga pangalan at kung anong grupo ang mga ito hanggat isinasagawa nila ang operasyon.Magugunitang sunud-sunod ang naganap na insidente ng carjacking sa lungsod kung saan ang ilan sa biktima ay binaril pa at nasawi.
Samantala, tatlong bigtime syndicate sa bansa ang tinukoy kahapon ng PNP-Traffic Management Group (PNP-TMG) kabilang ang namamayagpag sa Quezon City na target ng kanilang operasyon sa bansa.
Ito ang inihayag ni PNP-TMG -officer-in charge Senior Supt. Augusto Angcanan kasabay nang pagsasabing kabilang sa mga tinutugis na grupo ay ang Henzon Group, Lagman Group at Madrigal Group.
Sinabi pa nito na ang Henzon Group ay aktibong kumikilos sa NCR at Region 3 at pinamumunuan ni Alvin Henzon, habang ang Lagman Group na nag-ooperate rin sa NCR at Region 3 ay pinamumunuan ni Wendel Lagman, samantalang ang Madrigal Group naman ay sa NCR, Region 3 at Region 4. (Doris Franche At Joy Cantos)