Hindi na umabot pa ng buhay sa President Diosdado Macapagal Memorial Hospital sanhi ng malalalim na tama ng saksak sa ibat ibang parte ng kanilang katawan ang mga biktima na sina Alberto Arendain, 32-anyos, kusinero at Alberto Ronquillo, 20, waiter, pawang mga stay-in worker sa AKA Restaurant at Videoke Bar na matatagpuan sa 29-A Gen. San Miguel St., Brgy. 14, nasabing lungsod.
Isang follow-up operation naman ang ikinasa ng pulisya laban sa tatlong suspect na mabilis na tumakas matapos ang isinagawang krimen para sa pagkakakilanlan at agarang ikadarakip ng mga ito.
Base sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ni PO3 Joel Aquino, may hawak ng kaso na naganap ang insidente dakong ala-1 ng madaling-araw sa loob mismo ng nasabing videoke bar sa nabanggit na lugar.
Batay sa salaysay ng mga saksi, lasing na dumating ang mga suspect na agad na umorder ng beer at pulutang buttered chicken.
Makalipas ang halos kalahating oras ay inihain ni Ronquillo ang inorder na pulutan ng mga suspect at nang magsimula ng uminom at mamulutan ang mga ito ay bigla na lamang nagwala at nagsisigaw ang isa sa mga suspect dahil hindi umano masarap ang pulutan nilang buttered chicken.
Agad namang nagpaliwanag si Ronquillo subalit sa halip na pakinggan ito ng mga suspect ay nagsitayuan ang mga ito sabay bunot ng mga patalim at agad na tinungo ang kusina.
Nang makita ng mga suspect ang kusinero na si Arendain ay agad na pinagtulungan ng mga itong saksakin ang huli.
Tinangka pa umanong awatin ni Ronquillo ang mga suspect subalit inundayan din ito ng saksak sa ibat ibang parte ng katawan.
Tumigil lamang ang mga suspect nang matiyak na wala ng buhay at halos magkagutay-gutay na sa saksak ang katawan ng mga biktima bago tuluyang tumakas ang mga ito sa hindi mabatid na direksyon.
Sinubukan namang dalhin ng mga saksi sa nabanggit na pagamutan ang mga biktima upang isalba ang kanilang mga buhay ngunit idineklara ang mga ito na patay na bago pa man dumating sa pagamutan.