Taxi driver binoga ng holdaper

Patay ang isang 52-anyos na taxi driver makaraang barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang holdaper na nagtangkang kunin ang kanyang kinita sa buong gabing pamamasada, kahapon ng madaling araw sa Marikina City.

Kinilala ang biktimang si Victor Feliciano, ng Paradise Farm, San Jose Del Monte, Bulacan na natagpuang patay sa loob ng minamanehong Jeannel Taxi na may plakang PXF-247 sa kahabaan ng Israel St., Greenheights, Brgy., Nangka ng nabanggit na lungsod.

Mabilis namang tumakas ang suspect na may taas na 5’5 talampakan at nakasuot ng kulay itim na jacket.

Sa imbestigasyon ni PO3 Orlando Salen, naganap ang insidente dakong alas-5 ng madaling araw sa nasabing lugar.

Nabatid sa isang saksi na isang malakas na putok ng baril ang kanyang narinig sa loob ng taxi at pagkatapos ay nagtuloy-tuloy na itong bumangga sa isang poste.

Nakita rin niya na nagmamadaling lumabas ang suspect sa loob ng taxi at nakalagay pa sa bewang nito ang baril.

Doon na nakitang nakahandusay sa may driver’s seat ang biktima.

Sa pagsusuri ng SOCO nakuha sa biktima ang wallet nitong may lamang P900 kaya malaki ang hinala ng pulisya na nanlaban ang biktima sanhi para barilin ito ng suspect.

Isang masusing imbestigasyon pa ang isinasagawa ng pulisya at ang pagtugis sa suspect. (Edwin Balasa)

Show comments