Binatilyo inaresto, binugbog, inilublob sa inidoro ng 2 parak

Sinampahan ng anim na magkakahiwalay na kasong kriminal ang dalawang bagitong pulis matapos na akusahan ng isang 16-anyos na binatilyo na ilegal na umaresto, nanggulpi at naglublob sa kanya sa inodoro na puno ng dumi sa loob ng istasyon sa Sta. Cruz, Maynila.

Sinampahan ng biktimang si Jacinto Dante Jr., ng Sta. Cruz, Maynila ng kasong illegal arrest, physical injuries, grave coercion, grave threats, trespassing at child abuse ang mga pulis na sina PO1 Clarissa dela Cruz, nakatalaga sa MPD Station 3 at isang nakilalang PO1 Ortega na nakatalaga sa Malabon Police Station.

Sa sinumpaang salaysay ni Jacinto, sinabi nito na puwersahang pinasok ni dela Cruz ang kanilang bahay sa kabila ng kawalan nito ng warrant of arrest nitong Setyembre 27 dakong alas-2 ng hapon. Tinutukan umano siya ng baril at saka pinosasan matapos pagbintangang nagnakaw ng cellphone.

Dinala siya ni Dela Cruz sa Police Block sa may Alvarez St., Sta. Cruz at doon umano siya binugbog. Hindi pa nakuntento, inilublob pa umano ang kanyang mukha ng dalawang pulis sa inodoro ng palikuran na puno ng dumi ng tao at pilit na pinaaamin sa ibinibintang sa kanya.

Pinatotohanan naman ng ama ng biktima ang ginawang panggugulpi sa kanyang anak na kanyang naabutang sumisigaw ng saklolo sa loob ng istasyon ng pulisya at puno ng pasa sa kawatan. Hindi rin umano siya pinayagan ng mga pulis na ipa-medikal ang kanyang anak at diretsong ikinulong ito sa kabila ng kalagayan nito.

Nanawagan naman ang pamilya ng biktima kay NCRPO chief Directror Vidal Querol na bigyang aksyon ang ginawang pang-aabuso ng mga pulis. (Danilo Garcia)

Show comments