Ayon kay Sen. Pimentel, dapat pagtuunan ito ng pansin dahil mas malaki ang benepisyo ng mga tanod ng Bureau of Jail and Management (BJMP) na nasa ilalim ng Department of Interior and Local Government (DILG), gayung pareho naman ang trabaho nito sa BuCor na sakop naman ng Department of Justice (DOJ).
Sa kanyang Senate Bill 2136, sinabi ni Pimentel na dapat itaas ang suweldo ng mga taga BuCor mula sa kanilang pinakamataas na opisyal hanggang sa pinakamababang kawani ng ahensya bukod sa maisusulong din ang antas ng propesyonalismo ng kanilang trabaho.
Sakop din ng panukala ang pagkakaroon ng insurance coverage, health care services at ng mga opisyal at kawani nito habang nanunungkulan pa sila sa gobyerno at benepisyo naman para sa pagretiro nila.
Isang antas ng pagtaas mula sa kasalukuyan nilang puwesto ang nasa ilalim pa ng panukala ni Pimentel, sa mga taga-BuCor na ang kasalukuyang tinatanuran ay ang national penitentiary system na kinabibilangan ng National Bilibid Prison, Corrections Institution for Women, Iwahig Penal Colony at Davao Penal Colony.
Naniniwala naman si Senate Majority Leader Francis Pangilinan na makakapasa ang kanyang Juvenile Justice Bill, kung saan ang pangunahing tututukan nito ay ang mga kaso ng mga kabataan na nakakulong kasama ang mga adult offender. (Rudy Andal)