Ayon sa alkalde, hindi niya hahayaan na malagay sa panganib ang buhay ng mga residente ng Maynila dahil sa pagbibigay niya ng permit to rally na nagdudulot lamang ng kaguluhan.
Nanawagan din si Atienza sa mga militanteng grupo na huwag gumawa ng protesta at marahas na hakbang upang maiwasan ang insidente tulad ng nangyari sa Mendiola kung saan 8 militante ang naaresto at 20 katao ang nasugatan.
Sa halip, pinayuhan nito ang mga raliyista na magsagawa ng kanilang mga kilos-protesta sa mga lugar na inilaan lamang tulad ng "freedom parks" kung saan nakasaad sa Batas Pambansa Blg. 880 tulad ng Luneta Park, Plaza Miranda at Liwasang Bonifacio.
Samantala, naglunsad ng sariling bersyon ng CPR o "calibrated peoples resistance" ang mga militanteng grupo kahapon matapos na muling lumusob sa Mendiola, Manila at makipagpukpukan sa mga anti-riot police.
Inaresto naman ng pulisya ang 15 mga militante sa pangunguna ng mga opisyal nila na sina Wilson Fortaleza, pangulo ng Sanlakas; at Ludy de Guzman, secretary general ng Buklurang Manggagawang Pilipino.
Agad namang idiniretso ang mga militante sa National Capital Region Police Office headquarters sa Camp Bagong Diwa, Taguig sa halip na sa General Assignment Section (GAS) ng Manila Police District.
Dakong alas-10 ng umaga nang mag-umpisang maglunsad ng kilos-protesta ang mga militante sa kahabaan ng Recto Avenue at magtungo sa Mendiola.
Agad naman silang sinalubong ng daan-daang miyembro rin ng anti-riot police kung saan dito na nagkabanggaan ang dalawang grupo. Tuluyan namang nabuwag ng mga pulis ang mga militante at naitaboy papalayo sa Mendiola.
Kinastigo naman ni GAS chief Supt. Arturo Paglinawan ang ginagawang panggugulo lamang ng mga militante at ang pambubuyo sa mga pulis upang magkaroon ng salpukan. Sa kabila umano ng pagpapatupad nila ng CPR, nananatili pa rin ang maximum tolerance sa mga pulis patunay dito ang pagdidisarma sa mga anti-riot police ng kanilang mga batuta at tanging truncheon na panalag lamang ang kanilang itinira. (Gemma Amargo-Garcia at Danilo Garcia)