Sa pagpapatuloy ng hearing sa kasong kidnapping ni Roldan at iba pa na dinidinig sa sala ni Judge Agnes Carpio ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 161, sinabi ni Sr. Insp. Alfren Juaneza, nakatalaga sa Police Anti-Crime and Emergency Response (PACER), na nagsasagawa sila ng surveillance operation dakong alas-2:40 ng hapon noong Pebrero 17 kasama ang dalawa pa niyang kasamahan sa safehouse ng mga kidnapper sa #32 Zamboanga St., West Ave., Quezon City matapos na makakuha ng impormasyon na doon dinala ang batang Yu na dinukot ng mga akusado habang papasok sa eskuwelahan noong Pebrero 9 ng taong ito sa Ortigas, Pasig City.
Habang nag-aabang ang grupo ni Juaneza ay biglang dumating ang isang violet na Toyota Corolla at unang lumabas ng nasabing kotse si Roldan kasunod si Wang at Garces at tumagal ng halos limang minuto bago umalis ulit sakay ng nasabing kotse.
Dagdag pa ni Juaneza, nakilala lamang niya si Garces nang i-present ito sa media matapos maaresto kasama ang apat pang akusado.
Itinanggi naman ni Garces na kasama siya sa mga dumukot kay Yu at sinabi nitong kinukumbinsi niya si Roldan, Mitchell Gumabao sa tunay na buhay, dahil matalik na kaibigan at magkababata silang dalawa.
Si Roldan ay naaresto sa kanyang bahay sa Fairview, Quezon City, matapos na iturong mastermind ng iba pang akusado na sina Adrian Domingo, Rowena, asawang si Noel San Andres at Romeo Orcajada, nang mahuli sa isa pang safehouse sa Cubao, Q.C. noong Pebrero 17 at matagumpay na nailigtas ang batang biktima. (Edwin Balasa)