Ito ang naging reaksyon ni Wycoco matapos na maglabasan ang mga ulat na sinisisi ni Gng. Fatima Aquino, asawa ni MIchael Ray, si Pres. Arroyo kung bakit nasa bilangguan ngayon ang dating tauhan ni Senator Panfilo Lacson.
Ayon kay Fatima, naniniwala siyang pulitika ang rason kung bakit sinampahan ng kasong paniniktik o pang-eespiya ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa Estados Unidos si Michael Ray.
Bagamat naiintindihan umano nila ang nararamdaman ni Fatima bilang asawa, sinabi naman ni Wycoco na "unfair" o hindi naman tama na sisihin nito ang presidente sa nangyari sa kanyang asawa.
Ipinaliwanag ni Wycoco na kaya umalis ng Pilipinas si Michael Ray ay upang iwasan ang kasong isinampa sa kanya na may kaugnayan sa "Kuratong Baleleng" at "Dacer-Corbito murder case".
Gayunman, tila tinatanggihan umano ni Aquino ang tulong na ibinibigay sa kanya ng pamahalaang Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Samantala, sinabi naman ni NBI-Interpol Chief Atty. Ricardo Diaz na hindi pa nabubuksan ang mga envelope na sinasabing naglalaman ng mga "classified information" tungkol sa ilang opisyal ng Pilipinas na nakuha umano nina Michael Ray at FBI analyst na si Leandro Aragoncillo mula sa isang military installation na pag-aari ng FBI.
Hindi rin umano nakadalo sa idinaos na pagdinig sa kaso noong Setyembre 21 si Michael Ray.
Matatandaang si Michael Ray at si Aragoncillo ay inaresto matapos mabuking na umanoy nangangalap sila ng mga classified information laban sa ilang mga opisyal ng Pilipinas. (Gemma Amargo-Garcia)