Agad ding kinastigo ni MPD-Station 5 commander, Supt. Danilo Estapon ang kanyang mga tauhan na sina SPO1 Felipe Manlutac, PO2 Jesus Garcia, PO2 Gilbert Gomboc at PO2 Anthony Leonard Navarro, pawang mga miyembro ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID).
Nasa malubhang kondisyon naman ngayon sa Ospital ng Maynila ang mga biktimang nakilalang sina Jay Sarrosa, Emman Turuel at Joel Valdez na naudlot sa pagsampa sa barko dahil sa insidente.
Kaugnay nito, lumusob kahapon sa MPD Headquarters ang mga kamag-anak ng mga biktima kung saan hiniling nila kay MPD director Pedro Bulaong na gawaran ng hustisya ang walang habas na pamamaril ng mga pulis.
Base sa kanilang salaysay, nag-iinuman ang mga biktima sa may panulukan ng Concepcion at Ayala Sts. bilang selebrasyon sa nalalapit nilang pagsampa sa barko nang lapitan ng naturang mga pulis.
Isa-isa umanong pinatayo ang mga biktima at tinangka umanong taniman ng droga nang pumalag ang mga ito. Dito na nagkaroon ng komosyon hanggang sa pagbabarilin ng mga pulis ang mga seaman.
Ayon naman sa alegasyon ng mga suspect, nagresponde umano sila sa lugar makaraang magpaputok ng baril ang mga lasing na seaman. Pinagmumura umano sila ng mga ito at nanlaban kung saan nasugatan pa nga si SPO1 Manlutac kaya napilitan silang paputukan ang mga ito para ipagtanggol ang kanilang sarili.
Nakatakdang sampahan ng kasong frustrated murder ang apat na pulis. (Danilo Garcia)