Ayon kay Councilor Winston Winnie Castelo at Councilor Ariel Inton, ang naturang public hearing ay isasagawa upang mapatawan ng regulasyon ang pagpapagawa at pagpapatayo ng mga commercial billboards.
Layunin din umano ng nasabing public hearing ang magbigay-linaw sa mga batas na nilalabag umano ng mga operator ng mga billboard at mga sexy models nito. Pinaliwanag ni Castelo at Inton na kailangang ma-regulate ang pagpapagawa at pagpapatayo ng mga commercial billboard dahil sa panganib at perwisyo na dulot nito sa publiko, partikular ang mga residente ng lungsod Quezon.
Kailan lamang ay isang dambuhalang advertisement billboard ang bumagsak at pumutol sa kable ng Metro Rail Transit (MRT) na naging sanhi upang matigil ang operasyon nito ng walong oras. Batay sa report, milyun-milyong pagkalugi ang tinamo ng MRT dahil sa naturang insidente. May nilalabag din umanong ordinansa ang mga sexy models kaugnay ng kanilang mga hindi kanais-nais na larawan sa mga nagkalat na billboard sa mga lansangan.