Ito ay matapos na aminin ni PO1 Candido Vallejo, isa sa mga naarestong pulis, ang pagkakasangkot ng kanilang grupo sa pagdukot at pagpatay kay Michael Tan Chan, 44, isang Fil-Chinese engineer noong Setyembre 15 ng hapon sa kahabaan ng Katipunan Road, Quezon City.
Napag-alaman na sakay ng kanyang Toyota Corolla si Chan kasama ang live-in partner nitong si Mary Ann Aradana, 24, nang harangin ng Dose Pares Gang na kinabibilangan nina Vallejo, PO1 Roel Palana, PO1 Joel Tapec at PO2 Roger Villarente.
Matapos kunin si Chan ng mga suspect ay dinala ito sa isang resort sa Tanay, Rizal habang isinasagawa ang negosasyon sa pamilya ng biktima. Setyembre 17 ng madaling-araw nang ilipat ng safehouse ng mga suspect ang biktima at nilagyan ito ng packing tape sa bibig, kamay at paa at inilagay sa ilalim ng kanilang van. Subalit habang nasa kalagitnaan na sila ng lilipatang safehouse at tingnan nila ang lagay ng biktima ay nakitang patay na ito dahil sa suffocation kaya itinapon na lang nila ito sa isang mabanging bahagi sa kahabaan ng Marcos Hi-way Brgy. Inarawan, Antipolo City.
Nakita ang bangkay ng biktima ng mga residente roon dakong alas-10 ng umaga ng araw ding iyon.
Matatandaang naaresto si Vallejo, Palana at Villarente sa isinagawang follow-up operation ng pulisya habang si Tapec ay kasalukuyan pang pinaghahanap. Ang mga ito ay pawang mga nakatalaga sa EPD District Mobile Group.
Sangkot ang mga suspect sa malalaking holdapang naganap sa eastern part ng Metro Manila at Rizal kung saan apat sa kanilang nabiktima ay kanilang pinatay kabilang ang 1-anyos na batang babae na kanilang nabaril sa ulo. (Edwin Balasa)