Inaresto ng mga kagawad ng Manila Police District ang 11 lider at mga miyembro ng militanteng grupong Kilusan Para sa Demokrasya (KPD) sa pangunguna ng chairman nitong si Pete Pinlac; Millet Morante, secretary general ng grupo; Cristeta Ramos; Lilia dela Cruz; Erwin Bautista at walong menor-de-edad na estudyante.
Nabatid na maaga pa lamang nang saraduhan ng daan-daang mga tauhan ng MPD-Civil Disturbance Management Unit ang kahabaan ng Mendiola at maging ang JP Laurel St. sa Quiapo.
Dakong alas-10:40 ng tanghali nang biglang dumating ang daan-daang miyembro ng KPD ngunit kasisigaw pa lamang ng mga ito laban sa charter change ay itinaboy na sila papalayo ng hanay ng anti-riot police. Isa-isa namang binitbit at inaresto ang mga raliyista na nagtangkang pumalag sa mga pulis kabilang si Pinlac.
Tuluyang hindi nakaporma ang mga raliyista nang maitaboy sila ng mga pulis sa may Carlos Palanca St., Quiapo at dito na tuluyang nabuwag ang kanilang puwersa.
Isinigaw naman ng KPD na patunay na isang uri ng batas militar ang ipinapatupad ngayon ng pamahalaang Arroyo sa pagsisikil sa kalayaan sa pamamahayag ng mga mamamayan.
Iginiit naman ng PNP na ipinapatupad lamang nila ang no permit no rally policy ng gobyerno dahil sa hindi kumuha nito ang KPD na sinusubok lamang umano ang pasensiya ng mga pulis.
Samantala, sa kabila ng pagiging miyembro ng oposisyon, hindi pa rin makapag-isyu ng permit to rally si Manila Vice-Mayor Danny Lacuna para sa mga magsasagawa ng kilos-protesta sa lungsod ng kanyang mga kaalyado kahit siya ngayon ang acting Mayor sa Maynila.
Sinabi ni Lacuna na sumusunod lamang siya sa kautusan ni Manila Mayor Lito Atienza na mahigpit na ipatupad ang no permit no rally policy sa lungsod.
Ayon pa dito na sumusunod lamang siya sa kautusan ng alkalde na ipatupad ang batas at patungkol sa binuwag na rali kahapon, binanggit nito na walang permit ang mga nagrali kaya binuwag sila ng pulisya. (Danilo Garcia at Dagdag na ulat ni Gemma Amargo-Garcia)