34 piranha nasabat

Nasabat ng mga tauhan ng Fisheries Quarantine Service sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang 34 na piraso ng buhay na piranha o "Serrasalnues" at iba pang mamahaling tropical fish matapos mabigong ipuslit papasok ng bansa gamit ang cargo shipment kamakalawa.

Dakong alas-3:45 ng hapon ng dumating sa bansa ang kontrabando lulan ng KLM Airlines flight KL-803 mula Loreto, Peru via Amsterdam.Ayon kay Mario Trio, Fisheries Quarantine On Duty Officer, ang illegal shipment ay naka-consigned sa Cignus Industries Inc. na pagmamay-ari umano ng negosyanteng si Domingo Uy ng Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City.

Nabatid sa Bureau of Customs (BOC) na ang bawat isang isda ay nagkakahalaga ng P100,000.

Bukod sa nakumpiskang mga piranha nakuha din ng mga awtoridad ang ilang piraso ng buhay na stingray o pagi at janitor fish. Agad namang inilagay sa aquarium ang mga tropical fish.

Sinabi naman ni Uy na wala siyang balak ibenta ang mga isda dahil gagawin lamang niya itong collector’s item. (Butch Quejada at Danilo Garcia)

Show comments