Bike lane ilulunsad ngayon

Pormal nang ilulunsad ngayong araw (Setyembre 24) ang bike lane program ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung saan tinatayang aabot sa P362.5 milyong halaga ang gugugulin ng pamahalaan para sa ikapagtatagumpay nito.

Sa pagbubukas ng naturang proyekto, inilunsad ang pilot area sa Xavierville sa Katipunan Avenue at sa ilang secondary streets sa Quezon City.

Pangungunahan nina Pangulo Gloria Macapagal- Arroyo, Quezon City Mayor Feliciano Belmonte Jr., MMDA Chairman Bayani Fernando ang pagbubukas ng proyekto.

Ang proyekto na tinaguriang "Metro Padyakan" ay aabot sa 3.6 kilometro pilot bike lanes at walkways ang magkokonekta sa EDSA, Katipunan Avenue.

Ang starting point nito ay sa Katipunan Avenue, Aurora Boulevard patawid sa Esteban St. patungo sa iba pang secondary routes.

Ayon kay Fernando base sa pag-aaral, nabatid na 1.5 milyong pampubliko at pribadong behikulo ang araw-araw na gumagamit o dumaraan sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila at sa pagpapatupad ng bike lanes tiyak na malaki ang iluluwag ng trapik dito. (Lordeth Bonilla)

Show comments