Nakadetine sa MPD-General Assignment Section ang suspect na si PO2 Charlie Carbonnel, 33, nakatalaga sa Station 3 (Sta. Cruz) at kasabwat nitong sibilyan na si Lucky Chua, ng Obesis St., Pandacan, Maynila.
Inireklamo ang mga ito ng kasong robbery ng biktimang si Talib Pacapnag-Calocop, 30, negosyante, ng Riverside Village, Brgy. Sta. Lucia, Pasig City.
Sa ulat ng pulisya, sinabi ni Calocop na naglalakad siya kasama ang kanyang kaibigan na si Rodolfo Villanueva sa kahabaan ng España Avenue dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang isang hindi nakikilalang lalaki ang biglang umakbay sa kanya.
Dito na sumulpot ang suspect na si Chua at inakusahan siya na nakikipagtalik sa naturang lalaki.
Dumating din ang pulis na si Carbonnel sakay ng isang scooter at inutusan si Chua na dalhin na ang biktima sa Police Bus station na nasa tapat ng Isetan Mall sa Recto Avenue, Maynila.
Nang makiusap na huwag arestuhin, hiningan na umano ang biktima ni Carbonnel ng malaking halaga ng pera. Tanging P1,500 at dalawang cellphone ang naibigay ni Calocop sa pulis kaya agad naman siyang pinalaya.
Agad namang dumulog sa University Belt Area PCP si Calocop kung saan rumesponde ang mga pulis at naabutan pa sa lugar sina Carbonnel at Chua.
Positibong kinilala ni Calocop ang dalawa at narekober pa sa posesyon ng mga ito ang 2 cellphone ng biktima. (Danilo Garcia)