Sa 20 pahinang desisyon ni Regional Trial Court Branch 81 Presiding Judge Ma. Theresa Yadao, napatunayan na walo sa siyam na akusado ay guilty sa kaso.
Kabilang sa mga hinatulan ng bitay ay sina Felisicimo Laygo, Edgar Alvarez, Almario Abrasaldo, Rufo Astero, Dominador Torano, Molinoto Sandavol at na pawang presente sa isinagawang promulgation.
Bitay din ang naging hatol kina Jaime Moog na sinasabing utak sa krimen na nakatakas sa piitan noong nakalipas na Pebrero at Primo Arena na nauna nang nadala sa National Penitentiary matapos ding mapatunayang guilty sa isa pang kaso ng kidnap.
Samantala, si Juanito Moreno na pang-siyam sa mga akusado ay napawalang sala dahil sa kakulangan ng ebidensiya na magdidiin sa kanya at agad na ipinag-utos ng korte ang pagpapalaya rito.
Isa sa mga nasintensiyahan ang nagprotesta ay nagsabing inosente siya sa kaso subalit ipinaliwanag ni Judge Yadao na awtomatikong rerebyuhin ng Korte Suprema ang kaso.
Base sa rekord ng korte naganap ang insidente noong nakalipas na Hulyo 4, 1999 nang harangin ng mga suspect ang biktimang si Channie Tan Son buhat sa kanyang hardware store sa San Juan Batangas at humihingi ng P10 milyong ransom sa kanyang pamilya. Bumaba ang ransom sa P2.5 milyon na naibayad sa mga suspect kapalit ng kalayaan ng biktima.
Sa isinagawang follow-up operation nadakip ang mga suspect at positibong itinuro ng biktima.