Nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa katawan ang biktimang si Vilmor Canja, ng No. 82 Pagkalinawan St. Brgy. Lower Bicutan, Taguig habang mabilis namang tumakas ang hindi pa nakikilalang suspect.
Ayon sa pulisya, dakong alas 12:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng Tawi-Tawi at Cagayan de Oro Sts. Brgy. Maharlika Village. Ilang residente ang nakarinig ng sunud-sunod na putok ng baril.
Sinabi naman ng misis ng biktima na isang lalaki ang sumundo dito at makaraan ang ilang minuto ay nadiskubre niyang patay na ito.
Posible umanong hindi nagkasundo sa bentahan ng iligal na gamot ang biktima at suspect na nagresulta ng pagkakapaslang sa una. (Lordeth Bonilla)