Nakilala ang biktima na si Teresita Madera, negosyante, balikbayan buhat sa Amerika. Ito ay positibong kinilala ng kanyang asawang si Noel Madera ng kanyang makita sa Urban Funeral Homes.
Ito ay nagtamo ng isang malaking putok sa ulo at pasa sa ibat ibang bahagi ng katawan na pinaniniwalaang tinorture muna bago pinatay. Ayon kay Supt. Manuel Gearlan, hepe ng Marikina Police natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-8 ng umaga habang nakadapa sa gilid ng creek sa Liamzon St., Midtown Subdivision Phase 3, Brgy. San Roque ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa asawa ng nasawi, iniwan niya ito sa labas ng sangay ng Social Security System (SSS) sa nasabing lungsod kamakalawa ng hapon dahil may transaksyon ito doon. Suot-suot umano ng biktima ang mga alahas at kulay pulang blouse at berdeng pantalon.
Bago sila naghiwalay ay napansin pa ni Noel na bumati sa pamamagitan ng pagtango ang biktima sa isa sa grupo ng mga lalaki na nakasakay sa kulay dark blue na Mitsubishi L-300 van subalit hindi naman niya ito binigyan ng kahulugan.
Nang balikan na ni Noel ang biktima makalipas ang isang oras sa tanggapan ng SSS ay wala ito doon at hindi na rin niya makontak sa cellphone.
Maging sa kanilang bahay ay hindi na ito nakauwi pa sa kanila hanggang sa matagpuan ang bangkay nito.
Ayon sa pulisya, isang anggulong tinitingnan nila ay ang abduction subalit posibleng nanlaban ang biktima kaya ito pinatay. Isang masusing imbestigasyon pa ang isinasagawa ng pulisya ukol dito. (Edwin Balasa)