Sinabi ni PCG-National Capital Region chief, Commodore Wilfredo Tamayo na ginagamit ng sindikato ng droga ang domestic passenger vessel para maibiyahe ang droga sa ibat ibang panig ng bansa.
Itoy matapos na maaresto ng Task Force Sea Marshalls kahapon ng alas-6 ng gabi ang drug courier na si Dario Cortez, habang pasakay ito ng SuperFerry 12 patungong Cebu.
Sa ulat ng PCG, nadiskubre ang isang balumbon sa loob ng bag ni Cortez nang isailalim ito sa x-ray sa Eva Macapagal Terminal sa Pier 15. Nang buksan ang bag, dito nakita ang mga malalaking pakete ng shabu na tumitimbang ng isang kilo.
Sa imbestigasyon kay Cortez, sinabi nito na ipinagkatiwala lamang sa kanya ang naturang bag ng isang lalaki na hindi nito binanggit ang pangalan at ibibigay sana sa isa pa na sasalubong sa kanya sa pier ng Cebu.
Hindi naman umano niya alam na shabu ang laman ng naturang bag. Ngunit nang isailalim sa pagsusuri ang suspect, nabatid na nasa ilalim ng impluwensiya ng droga rin ito nang sumakay sa barko.
Dahil dito, mas pinaghihigpit ng PCG ang pag-iinspeksiyon at pagmonitor sa mga pasahero ng mga barko dahil sa hinalang malayang nakakasakay ang mga indibidwal na nasa ilalim ng impluwensiya ng droga o kaya ng alak.
Kamakailan, pinaghigpit din ng PCG-NCR ang pagbabantay sa Manila Bay laban sa talamak na dynamite fishing, smuggling at prostitusyon sa mga nakadaong na barko. (Danilo Garcia)